Friday, August 7, 2009

Pag-asa sa Gitna ng Pagluluksa


Kasalukuyan ko'ng pinanonood online ang huling seremonya bago ihatid sa huling hantungan si Pres. Cory Aquino at talagang nakakaantig ng damdamin. Aaminin ko, naluluha talaga ako pero nagpipigil lang. Habang itinitiklop ang bandila at sumasaludo ang mga sundalo sa Pangulo, naantig talaga ako dahil naisip ko, talagang isa siyang pinuno na tunay na karapat-dapat bigyan ng papugay. Alam ko ginagawa iyon sa mga bumubuo sa pamahalaan o militar pero sa pagkakataong ito, nadama ko lang talaga ang tunay na kahulugan ng pagsaludo sa isang tao, ang pagpaparangal sa isang pambihirang nilalang. Isa siya talagang napaka-laking kawalan sa bayan. Online nga lang, nalulungkot ako. Paano pa kaya iyong talagang naroon / nariyan sa Pilipinas at nakikiramay.

Ngayon ko lang talaga lubos na naunawaan ang kahulugan ni Cory sa buhay ko....sayang. Pero ayos lang, dahil alam ko yung naranasan ko, naramdaman ko, at namulat sa akin mula noong 1986 Edsa Revolution na sinimulan niya ay mananatili. Sana, totoo din ito para sa buong bayan.

Heto ang Panatang Makabayan na pamilyar sa akin. Alam ko'ng mayroon nang bagong bersyon pero ito ang mas may kabuluhan sa aking personal na buhay at karanasan. Naway patuloy na maging totoo ito, lalo na ang huling talata, para sa lahat ng Pilipino nasaan man tayo sa daigdig ......

Iniibig ko ang Pilipinas.
Ito ang aking lupang sinilangan.
Ito ang tahanan ng aking lahi.
Ako’y kanyang kinukupkop at tinutulungan,
Upang maging malakas, maligaya at kapakipakinabang.

Bilang ganti ay diringgin ko ang payo ng aking mga magulang.
Susundin ko ang mga tuntunin ng aking paaralan.
Tutuparin ko ang tungkulin ng isang mamamayang makabayan at masunurin sa batas.

Paglilingkuran ko ang aking bayan nang walang pag-iimbot at nang buong katapatan.
Sisikapin kong maging isang tunay na Pilipino,
sa isip, sa salita at sa gawa.

No comments:

Post a Comment

Let me know your thoughts!